TIPS: Paano balansehin ang iyong oras?

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 02:25 PM

Ano ang mga maaaring gawin para mabalanse ang iyong oras? 

Iyan ang ibinahagi ng motivational speaker na si Venchito Tampon sa "Sakto" ng DZMM. 

Ayon sa kaniya, dapat alamin ng isang tao kung ano ang mga mahahalagang bagay na pagtutuunan ng pansin. 

Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng routine para mas maraming bagay na maasikaso. 

"Ang routine though maaaring boring 'yan. Pero the more na gingagawa mo unconsciously nagagawa mo 'yang mga bagay so you will spend more of your resources sa other important things," aniya. 

Dapat din aniyang maging marunong sa pagrespeto ng oras ng iba at mahalagang isapuso ang pagkakaroon ng time management. 

"Di lang naman puwedeng alam mo lang na [ito dapat ang gawin]. Dapat gawan mo rin ng paraan kung paano i-schedule ang mga bagay-bagay," aniya. 

Ayon kay Tampon nahihirapan ang ilan na balansehin ang kanilang oras sa kakulangan ng disiplina. 

"Kasi siyempre nagtatrabaho ka pero you tend to get distracted, nawawalan ka ng focus. So at the end of the day nagwa-wonder ka bakit wala kang natatapos?"

Giit ni Tampon na importante ang time management para makamit ang mga pangarap sa buhay. 

"Importante 'yon kasi we really need to be productive. Kasi kung meron kang goal o pangarap sa buhay and the only thing for you to reach that goal is to maximize," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.