Taxi driver na dawit sa 'holdap' ng balikbayan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 05:54 PM

Inaresto ng Las Piñas police ang taxi driver na itinuturong nangholdap sa isang balikbayan, ilang oras matapos ang insidente noong Miyerkoles Santo.

Kinilala ang suspek na si Orestes Quizon, na hinuli sa follow-up operation alas-9 ng gabi sa bahay nito sa Barangay CAA, Las Piñas City.

Ayon kay Las Piñas police chief Simnar Gran, natunton nila ang suspek matapos makuha ang detalye ng operator at plate number nito na naunang nailista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Sa NAIA sumakay ng taxi noong umaga ang biktimang si Karen Mitschek, na kararating lang mula Hong Kong.

Kuwento ng biktima sa pulis, inikot-ikot siya ng driver hanggang magdeklara ng holdap sa labas ng isang kainan sa Las Piñas at doon na rin iniwan ang biktima. Nakuha ang cellphone niya at HKD 40.

Nakuha ng mga pulis sa suspek ang cellphone ng biktima. Sabi naman ng suspek, ipinapalit na nito sa piso ang cash na Hong Kong dollar.

Pero depensa ng suspek, umikot-ikot siya dahil may hinanap na remittance store ang biktima.

Itinanggi rin niya na hinoldap o tinakot ang babae, na siningil lang niya ng P750 dahil sa pag-iikot umano nila.

"Aminado akong mali sa pangongontrata, 'yun lang intensiyon ko. Pero sa panghoholdap, di po, may mga anak ako. Sabi niya wala siyang cash kaya iniwan lang ang cellphone. Medyo natukso ako at kailangan ko ng pambayad."

Dalawang araw pa lang na nagmamaneho ang suspek para sa operator nito, pero ayon sa staff ng operator, hindi inuwi ng driver ang taxi sa garahe sa nakaraang dalawang araw.

Iniwan na lang umano ang taxi malapit sa bahay ng suspek. Umaasa naman ang taxi operator na aalisin ng NAIA ang ban na ipinataw nito sa kanila.

"Nagulat kami, so 'wag sana ituloy ang ban. In good faith naman kami na iresolba ang kaso kaya hinanap namin kung saan ang taxi at hinanap namin ang victim," sabi staff ng operator.

"Referral siya. Nakakadismaya lang na ganito naging kinahantungan niya."

Nagpaalala naman ang Las Piñas police sa mga sasakay ng taxi.

"Dapat pagsakay ng taxi, text agad sa mag-anak, i-text ang plate number ng taxi at kung makikita natin mga ID ay maaari itong picture-an at i-send sa kamag-anak at kung may mangyari alam ng kamag-anak natin. Kung kayo ay ma-holdap agad ibigay alam sa himpilan para maireport agad."

Bukod sa robbery hold-up, kakasuhan din ang suspek ng carnapping.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.