Mga Pinoy sa Paris nagdadalamhati sa pagkasunog ng Notre-Dame Cathedral

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 09:04 AM

Lumalabas ang usok mula sa Notre-Dame Cathedral sa Paris, France na tinamaan ng sunog noong Lunes, April 15, 2019. Benoit Tessier, Reuters

PARIS, France - Ilan sa mga Pinoy na naninirahan dito ang nakiisa sa pagdadalamhati sa pagkasunog ng Notre-Dame Cathedral, isa sa mga pinakatanyag at makasaysayang simbahan sa mundo. 

Para sa Filipino community leader na si Dennis Mana-ay, hudyat daw ng taimtim na pagninilay-nilay ang pangyayaring ito. 

“Siguro napakalalim na pananampalataya. Siguro sa kapwa natin, it’s a challenge sa ating mga religious persons na nangyari ito. Magnilay-nilay tayo sa ating pang-araw-araw na ginagawa. Always have faith in God. Itong nangyaring ito ay maging symbol ng ating pananampalataya sa kanya.”

Ang overseas Filipino worker naman na si Rosel Lubalan, hindi na raw maakyat ang cathedral ngayong darating na Pasko ng Pagkabuhay (Easter Sunday).

"So plano kong akyatin dahil darating ang friend ko sa Belgium, aakyatin sana namin. Pero nalungkot kasi di na umabot," ani Lubalan. 

Sa ibang cathedral na rin gagawin ang nakatakdang renewal of vows bilang pari ni Monsignor Don Vito Pavilando, na dapat ay sa Notre-Dame isasagawa.

Sa kabila ng sakuna, may mensahe siya para sa mga Pilipinong deboto. 

“Tayong mga Filipino ay nalulungkot sa nangyari. Di natin maintindihan, subalit nariyan ang Panginoong Hesu Kristo at ang ating Inang si Birheng Maria at tayo ay handa na ilagay ang lahat sa kamay ng Diyos.”

Sa kabila ng kalungkutan, ang ibang Pilipino sa Paris tulad ni Philippine Catholic Mission choir member Brian Tampoc, umaasang muling babangon ang naturang simbahan. 

“Malungkot na nangingilabot saka may panghihinayang. Panghihinayang dahil 'yung iba maraming Pranses na dinadaanan lang, ang iba nanghihinayang dahil walang picture…

"Faith is — God is everywhere. Ang sa akin, kahit na sunog ang structure ng simbahan, tatayo at tatayo siya.”

Sa kasalukuyan, dagsa pa rin ang mga tao para masilayan ang nasunog na cathedral, at karamihan sa kanila taimtim ang pananalangin. 

“I live very close to Notre-Dame… Umiyak ako nung natumba 'yung tower. Nakakalungkot talaga lalo na pag kilang-kilala mo ang Notre-Dame, maiiyak ka talaga," ani Josefina Bade, residente sa lugar. 

Bagama't halos two-thirds ng bubong ng cathedral ang natupok, nagpapasalamat ang marami na naisalba ang tore at ang stone facade nito.

Naisalba rin ang ilang relics at artworks kasama na ang crown of thorns at ang 13th century tunic ni French King Saint Louis IX na ililipat sa Louvre Museum.

Ang iconic rosettes o ang stained glass rose windows, nakaligtas din sa sunog. 

Ang Holy Crown at ang 16 na copper statues nailipat naman bago ang restoration sa simbahan. Ang pamosong Bourdon or tenor bell at iba pang kampana ay hindi naman gaanong napinsala.

Hanggang sa ngayon, iniimbestigahan pa rin ang sanhi ng sunog na nangyari noong Lunes. Hindi pa rin kumpirmado kung sa renovation site nga nag-umpisa ang sunog. 

Ikinokonsidera rin ng Paris Prosecutor's office na maaring aksidente o "involuntary" ang nangyari, hindi tulad ng mga haka-hakang ito raw ay sinandya.

- Ulat nina Maan Rivera, Bong Agustinez at Marilyn Paed-Rayray, ABS-CBN News