Mag-ina pinagsasaksak umano ng kaanak sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 08:13 PM | Updated as of Apr 18 2019 09:16 PM

Agad na namatay ang mag-inang biktima, habang nagpapagamot sa ospital ang kanilang hipag. Photo Courtesy: San Jose City Police.

Patay ang isang 16 anyos na babae at ang kaniyang ina habang nabuhay ang isa nilang kaanak matapos umanong pagsasaksakin sa lungsod ng San Jose, Nueva Ecija nitong Miyerkoles Santo.

Kinilala ang namatay na ina na si Gina Garcia, 39, na pinagsasaksak umano ng kaniyang manugang na si Edmer Balimbin, 37, sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Malasin.

Sugatan naman sa pananaksan ang hipag ng suspek na si Karen Rosete.

Ayon sa imbestigasyon ng Philippine National Police, dumating sa bahay ng mga biktima ang suspek at hinanap ang kaniyang anak.

“Nagkaroon lang sila ng pagtatalo sa pagkuha ng bata, dahil doon nagdilim siguro ang isipan na akala itinatago ang anak,” ani San Jose City police chief Lt. Col. Heryl Bruno.

Galit daw ito na humarap kay Rosete. Nang malamang wala sa pamamahay ang kaniyang anak inundayan na raw ng saksak si Rosete. Kinilala naman ang suspek na si Edmer Balimbin.

Nang marinig ang komosyon sa sala ng bahay, bumaba ang dalawang namatay na biktima. Saka rin umano ito sinaksak ni Balimbin.

Nagkunwaring patay si Rosete kaya siya nakaligtas.

Agad namatay ang mag-ina, habang nagpapagaling naman sa ospital si Rosete.

Patuloy namang hinahanap ng PNP ang suspek.

--Ulat ni Yohanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.