PatrolPH

Ilang antigong imahen, tampok sa exhibit ng Iglesia Filipina Independiente

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 01:11 AM

LAOAG CITY—Tampok ang ilang antigong imahen ng mga santo sa kauna-unahang exhibit ng Iglesia Filipina Independiente sa lungsod na ito.

Ito ang kauna-unahang Lenten season exhibit sa nasabing simbahan kung saan makikita ang mahigit 20 imahen ng mga santo na may malaking bahagi at testigo sa kuwento ng pagsasakripisyo ni Hesus bago siya ipako sa krus.

“Ito ‘yung mga personalidad na malapit sa buhay ni Kristo," paliwanag ni Father Pedro Cabacungan, kura paroko ng Iglesia Filipina Independiente sa lungsod na ito.

Hindi naman pinalampas ng debotong si Jerick Tungpalan ang nasabing exhibit. "Nagulat ako dahil ang dami pala nila," aniya.

Tatlo sa mga imahen ay mahigit 100 taon na ang edad. Ito ang imahen ni Nazareno, Birheng Maria, at ang imahen ng pagkabuhay ni Hesuskristo.

Ilang antigong imahen, tampok sa exhibit ng Iglesia Filipina Independiente 1
Kuha ni Keno Rabe, ABS-CBN News
Ilang antigong imahen, tampok sa exhibit ng Iglesia Filipina Independiente 2
Kuha ni Keno Rabe, ABS-CBN News
Ilang antigong imahen, tampok sa exhibit ng Iglesia Filipina Independiente 3
Kuha ni Keno Rabe, ABS-CBN News

Pagmamay-ari ito ng pamilya ni Jerome Caoili.

Taong 1890s pa lamang, kung kailan ipinatayo ang nasabing simbahan, ay tagapangalaga na ang kaniyang mga ninuno ng imahen ni Nazareno at Birheng Maria.

“ ‘Yung mga santo naming galing pa sa great great grand father namin. Actually ‘yung great great grandfather namin, siya ‘yung isa sa mga nagpatayo ng simbahan,” paliwanag niCaoili.

Ang imahen naman ng pagkabuhay ni Hesukristo ay ipinaalaga umano sa kanila ng pamilya ng mga matatandang guro.

Yari din sa kahoy pero mas maliit kumpara sa mga makabagong imahen ng santo ang mga antigong imahen.

Panata na umano ito ng pamilya Caoili na siyang nagpapatibay ng kanilang pananamplataya maging relasyon ng isa't-isa sa kanilang pamilya.

"We are blessed that we have a healthy family, “ sabi ni Caoili.

Ipinoprosisyon ang mga imaheng ito tuwing Martes, Huwebes at Biyernes Santo.

Ang Iglesia Filipina Independiente, o kilala rin bilang Simbahang Aglipayano, ay isang denominasyon ng pananampalataya na may mga tradisyong kapareho ng sa Romano Katoliko. 

Tumiwalag ito mula sa Simbahang Katolika dahil sa mga umano'y pang-aapi ng mga prayle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.