Destinasyon ng ilang Pinoy ngayong Semana Santa: simbahan, pasyalan

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 05:11 PM | Updated as of Apr 18 2019 05:22 PM

Nagsimula na ang taunang pagbi-Vista Iglesia ng mga Pilipino nitong Huwebes Santo. Kasabay nito, sa mga pasyalan naman ang punta ng ilan. 

Kabilang sa mga simbahang dinarayo ang Manila Cathedral, na pinupuntahan ng mga mananampalataya mula pa alas-5 ng umaga ng Huwebes. 

Sa unang pagkakataon, binuksan sa publiko ngayong Semana Santa ang 9 na mga simbahan at kapilya sa Intramuros. Kasama sa mga ito ang San Agustin Parish Church; ang mga kapilya ng Fr. William sa Knights of Columbus Building; kapilya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, sa Lyceum of the Philippines University, Colegio de San Juan De Letran; St. Matthews Church sa BIR Building; at Guadalupe Shrine sa Fort Santiago. 

Idinaos din ang Stations of the Cross sa ilang kalsada. 

BASECO BEACH 

Kung may mga nagninilay, mayroon ding mga namamasyal kasama ang mga mahal sa buhay. 

Sa kabila ng paalala ng mga awtoridad na hindi ligtas pagliguan ang Baseco Beach sa Manila Bay, dinagsa pa rin ito. 

Dagsa ang mga pamilyang nagpi-picnic sa buhangin. May iilan din umanong naliligo sa dagat. 

“Mas mura kasi dito, walang bayad, walang entrance fee,” ani Helen Menguito, na naligo sa Manila Bay. 

Ayon sa barangay, wala pa silang natatanggap na reklamo ng mga nagkakasakit, o nalulunod sa beach. Ilang beses din daw nila sinaway ang mga tao na bawal at hindi ligtas maligo. 

Ang ilang tanod, tulad ni Jackie Mantilla, wala nang magawa sa pagdagsa ng mga tao.

“Hindi kami nagkulang sinasabihan namin sila,” wika niya. 

1 MILYONG TURISTA INAASAHAN SA TAGAYTAY

Halong pasyal at dasal naman ang inaasahan sa mga daragsa sa Tagaytay City mula Huwebes Santo, sapagkat 1 milyon ang inaasahang bilang ng mga turista ayon sa lokal na pamahalaan. 

Dinagsa ang mga simbahan mula pa noong umaga. 

Ipinatupad din ang one-way traffic scheme sa tourist spot para mapaayos ang daloy ng trapiko sa lugar. 

May 179 mga kumbento at simbahang inaasahang pupuntahan ng mga magbi-Visita Iglesia ngayong Semana Santa. 

Patuloy namang dumaragsa sa Batangas port ang mga pasahero pa-Mindoro island kung saan matatagpuan ang tanyag na Puerto Galera.
 
Ayon kay Giselle Cayetano, Assistant Manager for Passenger and Roro Operations ng pantalan, aabot sa 14,000 pasahero ang dumagsa sa port mula noong alas-7 ng umaga ng Huwebes. 

-- Ulat nina Niko Baua, Sherrie Ann Torres, at Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.