8 bahay sa Zamboanga City natupok dahil sa nag-overheat na aircon

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 05:05 PM

Aabot sa walong bahay ang nasunog sa Barangay Zambowood sa Zamboanga City, alas-9 ng umaga ngayong Huwebes. 

Umabot sa pangalawang alarma ang sunog. Rumesponde naman ang mga kalapit na fire station para apulahin ang apoy.

Wala halos naisalbang gamit ang mga residente dahil mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na yari lahat sa light materials, ayon sa mga awtoridad. 

Ayon kay City Fire Marshall chief Inspector Jufel Branaola, nag-ugat ang sunog sa nag overheat na air-conditioning unit sa isa sa mga nasunugang bahay.

Dalawa ang sugatan, kabilang ang isang 2 anyos na batang babae na nagtamo ng minor burn sa paa. 

Natutulog umano ang bata at mabuti nalang nailabas sya sa bahay ng kanyang lolo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.