3 umano'y miyembro ng NPA patay sa engkuwentro sa Negros Occidental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 09:47 AM

Ilan sa mga narekober na gamit mula sa mga hinihinalang NPA. Larawan mula sa 79th Infantry Battalion, Philippine Army

CALATRAVA, Negros Occidental - Tatlong hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay habang isang sundalo naman ang sugatan matapos ang engkuwentro dito Miyerkoles ng hapon.

Naganap ang sagupaan sa pagitan ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga rebelde sa Sitio Banwa Minatay, Barangay Marcelo dito sa bayan bandang alas-5 ng hapon. 

Halos 30 minuto ang itinagal ng putukan, ayon sa tagapagsalita ng militar. 

Nagpapatrolya umano ang isang platoon nang maka-engkuwentro nila ang umano'y grupo ng mga rebelde, ani Lt. Col. Emelito Thaddeus Logan, Commanding Officer ng 79th Infantry Battalion. 

Dagdag ni Logan, nakatanggap ng impormasyon ang tropa na nagsasagawa umano ng pangingikil ang mga rebelde sa lugar. 

Narekober ng mga sundalo mula sa mga napatay ang isang AK-47 rifle, isang M16 rifle, 3 rifle grenade, mga magazine at bala, mga backpack at mga subersibong dokumento.

Ayon naman sa Commanding Officer ng 303rd Infantry Brigade na si Brig. Gen. Benedict Arevalo, walang ceasefire ngayong Semana Santa.