3 umano'y drug pusher timbog sa Cebu buy-bust

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 10:34 AM

CEBU CITY - Tatlong umano'y tulak ng hinihinalang shabu ang nahuli sa magkakasunod na buy-bust operation sa Cebu City, Huwebes ng madaling araw. 

Naaktuhan ng mga operatiba ang tatlo habang nagbebenta umano ng ilegal na droga, ayon sa hepe ng Guadalupe Police Station na si Police Maj. Dexter Basirgo. 

Nasamsam sa tatlo ang P476,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu, base sa imbentaryo ng pulisya.

May P2,000 din na nakumpiska mula sa transaction, at isang baril na walang lisensiya.

“In coordination pa rin ito sa ating SEMPO (Synchronized Enhanced Managing Police Operations), kahit na Holy Week patuloy pa rin tayong nag-ooperate against those gumagawa ng ilegal,” ani Basirgo.

Small-time drug peddlers daw ang dalawa sa mga nahuli habang ang isang Alyas Buyo naman ang kanila umanong supplier, ayon kay Basirgo.

“Mode of transaction nila tawag lang tapos mag-meet sila at doon na ibibigay ang item,” ani Basirgo.

Pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ang siyang pinangagalingan ng shabu sa lugar.