24 anyos binaril sa gitna ng hip-hop contest sa Bacolod

Mitchel Lipa, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 04:16 PM

Patay ang isang 24 anyos na lalaki matapos barilin habang nanonood ng hip-hop competition sa Bacolod City noong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Paulo Gregor Jimena, na pinatay umano ng isang John Rey Pasco sa Barangay 2, Bacolod City. 

Ayon sa paunang imbestigasyon, nanonood ng paligsahan si Jimena nang dumating umano si Pasco at ang isang hindi nakilalang kasamahan. 

Dito na nila umano binaril sa dibdib at ulo ang biktima. 

Sinubukan pang dalhin sa ospital si Jimena pero idineklara na itong dead on arrival. 

Narekober ang isang baril at dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente. 

Lumalabas din na nagkaroon ng alitan ang biktima kay Pasco dahil sa paglahok sa mga hip-hop competition sa ibang barangay sa Bacolod. 

Patuloy pang hinahanap ang dalawang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.