Sasakyan bumangga sa restaurant sa Festival Mall; 9 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 06:38 PM | Updated as of Apr 18 2018 07:50 PM

MANILA - Nasugatan ang siyam katao matapos maatrasan ng sasakyan sa isang kainan sa Festival Mall sa Muntinlupa noong Linggo ng gabi.

Nag-viral sa social media ang video ng insidente, kung saan mapapanood ang pagsagasa ng puting AUV sa mga kumakaing kostumer sa loob ng restoran.

Kabilang sa mga sugatan ang isang siyam na buwang gulang na sanggol at ang 40 anyos na driver ng sasakyan.

Ayon sa Muntinlupa police, pumarada noon ang driver ng AUV nang aksidente umano nitong naapakan ang accelerator sa halip na preno.

Nagtamo ng minor injuries ang mga biktima, na hindi na nagsampa ng kaso matapos makipag-ayos ang driver.

Sinagot ng driver ang mga gastusin ng mga biktima at danyos sa restoran. 

Sa pahayag na inilabas ng pamunuan ng Festival Mall, sinabi nilang pinag-aaralan nila ngayon kung paano gagawing mas ligtas ang mga paradahan.

-- Ulat nina Jervis Manahan at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.