Paglalarawan ni Duterte sa madre: 'Walanghiya ang bunganga'

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 09:53 PM

Inako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang responsibilidad sa pagpapaalis sa Awstralyanong madreng nadetene dahil sa umano'y pakikilahok sa mga pagkilos kontra sa pamahalaan.

Ayon sa pangulo, walang karapatan ang inaresto at kalauna'y pinalayang si Sister Patricia Fox na maging kritiko umano ng mga nangyayari sa bansa.

"I am with the executive department. I am a worker of the department and I give the orders. And the order of who gets in and who goes out is with me. Not in Congress, not in the Supreme Court. Ako, ang magsabi being head… ‘papasukin mo ‘yan, at mabait na tao. Huwag mong papasukin kasi walanghiya ang bunganga ng madreng ‘yan'," sabi ni Duterte sa gitna ng kaniyang talumpati sa Armed Forces of the Philippines change of command ceremony nitong Miyerkoles.

“You do not have that right to criticize us. But you can come here and enjoy all the sights.”

Nitong Lunes, Abril 16, hinuli ng Bureau of Immigration (BI) ang 71 anyos na misyonerong si Fox dahil sa umano'y reklamong "partisan political activities." 

Tingin ng mga kumokondena sa naging aksiyon ng BI, pinag-initan ang madre dahil parte siya ng International Fact-Finding and Solidarity Mission sa Mindanao na layong imbestigahan ang mga hinihinalang pang-aabuso sa ilalim ng martial law roon.

Sabi naman ni Fox, tanging karapatang pantao lamang ang kaniyang ipinaglalaban dito sa Pilipinas.

"I haven't joined political rallies in terms of party politics, but I have been active in human rights issues," ani Fox matapos mapalaya nitong Martes.

Buwelta naman ni Duterte, "kriminal lang ang pinapatay" niya at mas dapat batikusin ni Fox ang sarili niyang gobyerno dahil sa pagtataboy umano sa refugees.

"Ikaw, madre, why don’t you criticize your own government, the way you handled the refugees, hungry and dying, and you turn them back to the open seas?" patutsada ng pangulo.

"Buti dito kriminal ang pinapatay ko. Kayo? Men, women, and children seeking sanctuary."

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos tatlong dekada nang naninirahan sa Pilipinas si Fox at matatas nang magsalita sa wikang Filipino.

Umaapela siya sa pamahalaan ng Pilipinas na huwag naman siyang ipa-deport dahil sa pagiging "undesirable alien."

"Philippine government, sana drop the case," pakiusap ni Fox.

Tingin ni presidential spokesperson Atty. Harry Roque, mukhang nagkamali ang BI at dapat mag-sorry kay Fox.

Nagpaalala naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayteano sa mga dayuhang nasa bansa tungkol sa pagsama sa mga aktibidad na lumalaban sa pamahalaan.

"If they are involved in partisan political activities in the Philippines, then they are not welcome because it interferes with our political rights, it interferes with our right to self determination," ani Cayetano.

Aminado si Fox na nakilahok siya sa fact-finding missions na tiningnan ang kalagayan ng mga magsasaka at mga manggagawa sa Mindanao.

Pero di raw ibig sabihin na sangkot siya sa tinatawag na partisan political activities.

"We work with organized groups who are working for social justice. Often, groups working for justice are labeled 'left.' Like if you want land rights, you're left. But to me it's just basic human social justice issue... It's very consistent with the social teachings of the Church," giit ni Fox.

(Nakikipag-ugnayan kami sa mga organisadong grupo para sa karapatang panlipunan. Kalimitang tinatawag na 'makakaliwang grupo' ang mga nagusulong para sa pagkakapantay-pantay tulad ng karapatang mag-ari ng lupa. Pero para sa'kin, ito'y karapatang panlipunan na naayon sa turo ng Simbahan.)

Noong 2013, na-deport ang isang Dutch na nanigaw at nakapagpaiyak sa isang pulis habang nakikilahok sa rally kontra sa noo'y Pangulong Noynoy Aquino sa kaniyang State of the Nation Address.

Umaasa si Fox na hindi ito mangyayari sa kaniya lalo't matagal na niyang itinuturing na pangalawang tahanan ang Pilipinas habang nakikisalamuha sa mga dukha at naaapi.

-- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.