Manager ng flower farm, binaril sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 06:28 AM

Photo from Tupi Police Station

TUPI, South Cotabato - Patay ang isang manager ng flower farm matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay Kablon, Tupi Lunes ng umaga.

Nagtamo ng tama sa ulo at katawan si Jeffrey Calanao.

Limang basyo ng kalibre .45 na baril ang natagpuan sa crime scene.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mula General Santos City ang biktima at patungo sa pinagtatrabahuan nitong farm.

Posibleng nakausap pa umano ni Calanao ang pumatay sa kaniya.

"Naka-neutral kasi 'yung sasakyan. Naabutan pa ng investigators natin na umaandar pa ang sasakyan niya, meaning talagang huminto siya para kausapin 'yung bumaril," ani Chief Insp. Bernie Faldas, hepe ng Tupi police.

Wala namang makuhang testigo ang mga pulis dahil nasa sa gitna ng plantasyon ng pinya naganap ang pamamaril. Madalang din ang mga dumadaan doon.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa trabaho o sa personal na buhay ang pamamaril. Wala namang nawalang pera o kagamitan kay Calanao. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.