Libo-libong kakandidato sa barangay at SK polls, dumagsa sa Comelec

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 08:09 PM | Updated as of Apr 18 2018 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong kakandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ang dumagsa sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa Arroceros, Maynila para maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC).

Tinatayang nasa 4,000 katao ang pumila sa opisina ng Comelec nitong Miyerkoles. Marami umano sa kanila ay alas-4 pa ng madaling araw nakapila.

Dahil sa sobrang siksikan at init ng panahon, may ilang nahilo at nahimatay.

May ilan ding nagreklamo sa palpak na sistema ng pila. 

"Walang kuwenta, dapat expected na nila 'yan na ang tao ay papadami. Dapat ang sistema nila, maayos din, papaunlad, hindi papaganito,” ani Elisa Duque, maghahain ng COC.

Una nang sinabi ng Comelec na marami talaga ang magpa-file ngayong araw. 

Naniniwala kasi ang iba na suwerte umano ang araw ng Abril 18 sa kanilang pagtakbo. 

Bukod sa mga nais maging kapitan at kagawad, dumagsa rin sa opisina ng Comelec ang mga kabataan na nais namang tumakbo sa SK elections.

Isa ang 20-anyos na si Carlo Franco sa mga desididong maging miyembro ng SK sa kanilang lugar.

Ngunit nang tanungin kung ano ang mga balak gawin sakaling manalo, tila walang maisagot si Franco.

Nadiskubre rin na hindi maaaring kumandidato si Franco dahil hindi pa pala ito nakakapagparehistro bilang botante.

Ayon sa Comelec, maraming gaya ni Franco na unang beses tatakbo ang nasasayang ang oras dahil hindi alam ang mga dapat gawin o kaya’y kulang ang dokumentong dala.

Inaasahan ng Comelec na mas marami pa ang maghahain sa huling dalawang araw ng filing ng COC.

Filing ng COC sa probinsiya

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, dagsa rin ang mga nais kumandidato sa mga opisina ng Comelec sa probinsiya. 

Sa Cagayan de Oro City, madaling araw pa lang ay pumila na ang mga maghahain ng COC. 

Nagbitiw naman sa puwesto si Philippine Red Cross board governor Edgar Ibuyan para mag-file ng COC sa pagka-barangay chairman sa Davao City.

Sa Bacolod City, naghain rin ng kandidatura sa pagka-barangay chairman ang dating Metropolitan Basketball Association (MBA) player na si Leo Bat-Og.

Ayon sa kaniya, suwerte ang jersey number niya na 18 kaya ngayong araw siya nag-file ng COC.

--Ulat ni Raphael Bosano at Jewel Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.