Karneng baboy, nagmahal sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 08:36 PM | Updated as of Apr 19 2018 12:14 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tumaas ang presyo ng karneng baboy ng P10 hanggang P20 kada kilo sa ilang pamilihan bunsod umano ng mainit na panahon.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, umakyat sa P220 ang presyo ng kada kilo ng liempo mula sa P200.

Kung dati ay P180 ang kada kilo ng kasim at pigi, ngayo'y nasa P190 hanggang P200 na ang kada kilo ng kasim habang P190 naman sa pigi.

Nadagdagan din ng P10 ang mga presyo ng pork chop, na ngayo'y nasa P190 kada kilo, at ribs, na nasa P170 kada kilo na.

Nagtaasan din ang presyo ng karneng baboy sa ilang tindahan sa Mega Q Mart sa Quezon City.

Ayon sa mga retailer at dealer, naubos na ang mga baboy sa backyard piggery, na ayon sa mga tindero ay mas mura.

Sa swine farm o malalaking babuyan na kumukuha pero kakaunti na rin umano ang suplay rito.

Ayon sa mga nagtitinda ng baboy, nakaapekto ang mainit na panahon sa mga baboy.

Ayon naman kay Bureau of Animal Industry Assistant Director Simeon Amurao, nakadagdag din sa pagbawas ng suplay ang pagkamatay ng mga baboy matapos tumama ang isang virus na porcine epidemic diarrhea noong Agosto hanggang Pebrero.

"Tinamaan ang 20 percent of the population ng baboy," sabi ni Amurao.

Lumalabas din sa pagbabantay ng Bureau of Animal Industry na bukod sa kaunting suplay, patuloy ring tumataas ang demand o pangangailangan dito, na salik din sa pagmahal.

Pinili naman ng ilang mamimili na maghigpit ng sinturon.

"Hindi ko na masyadong pinapansin dahil nasanay na kami sa taas-baba, taas-baba, basta bumibili na lang," sabi ng mamimiling si Rosalina Agustin.

"Switch tayo sa gulay muna tapos isda. Kung ano 'yong mura kumbaga na masarap din naman," anang mamimiling si Patrick Pascual.

Tumaas din nitong linggo ng P10 hanggang P20 ang presyo ng manok sa ilang pamilihan dahil din umano sa mainit na panahon.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.