Kakandidato sa SK, di puwedeng kaanak ng nakaupong politiko

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 11:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipatutupad na simula sa halalan sa Mayo ang pagbabawal na kumandidato sa Sangguniang Kabataan (SK) ang sinumang may kaanak sa politika.

Nakabatay ang naturang tuntunin sa SK Reform Act na isinabatas noong 2016 at dapat ay magagamit sa halalan ng SK noong 2017 kung hindi ito naantala.

Huling naganap ang SK elections noong 2010.

Ayon sa pag-aaral ng Ateneo Policy Center sa limang probinsiya, umabot hanggang sa SK ang political dynasties o ang sitwasyon kung saan miyembro ng iisang pamilya o angkan ang humahawak sa iba't ibang ibinobotong posisyon sa isang lugar.

Tulad sa Maguindanao, na batay sa datos na mayroon, 43 porsiyento ng naging SK chairperson ay kaanak ng nahalal na opisyal.

Proportion of SK chairpersons linked with political dynasties, 2010

Maguindanao             43.14 %
Rizal                23.24%
Laguna                20.27%
Dinagat Islands            14.77%
Zambales            10.7%

Source: Ateneo Policy Centre

Ngayong ipinatutupad na ang reporma, hindi na puwedeng tumakbo sa SK elections ang may nanay, tatay, kapatid, lolo, lola, asawa, biyenan, bayaw, o hipag na nahalal at kasalukuyang nakaupo sa national position o sa probinsiya, lungsod, munisipyo, o barangay kung saan nais manilbihan ng kandidato. 

Dinagdag ang probisyong ito upang makapasok sa SK ang ordinaryong kabataang Pilipino.

"Instead of going abroad, instead of not serving because they're so disillusioned, you now give a chance to many young leaders to put their money where their mouth is -- if you want change, now is the chance, we've opened up some space for you," ani Dean Ronald Mendoza ng Ateneo School of Government.

"'Yon ang batikos ng maraming youth leaders, na hindi na sila makatakbo at makapasok dahil 'yong karamihan ng nananlo o sinusuportahan ng barangay ay 'yong kamag-anak din ng barangay captain or ng mayor," ani Senador Bam Aquino, kasamang may-akda ng SK Reform Act.

Ayon kay Aquino, impluwensiya mula sa mga kamag-anak sa politika ang isang dahilang lumutang sa committee hearings at consultations kung bakit hindi nagkaroon ng makabuluhang mga proyekto para sa kabataan noon.

Pero nasa kabataan na ngayon ang pagkakataong gamitin nang tama ang pondo ng SK na sa ilang baranggay ay maaaring umabot ng milyon-milyong piso. 

"'Yong pondo ng kabataan, dapat 'yong kabataan din ang nagde-decide kung paano ito nagagamit," sabi ni Aquino.

"Dahil may familial relations, 'yong independence na 'yon, nawala... 'yong nasusundan [noon], 'yong gusto ng ibang opisyales, hindi 'yong gusto ng kabataan."

Ikinatuwa ng ilang kabataan mula sa Adelina-1, Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna ang mga pagbabago sa SK.

"Akala ko dati 'yong SK para lang sa mga taong may kaya, may pera at kilala dito sa lugar. Di po namin naisip na puwede naman pala kami maging part ng SK," ani Christian Marcorde, youth volunteer sa Barangay San Antonio.

Mayroong pondong P5,479,323 ang SK ngayong 2018 sa Barangay San Antonio.

Malaking halaga iyan kaya umaasa ang mga tagaroon na gagamitin nang tama ang pondo. 

"Parang mas gusto kong madagdagan yung scholar lalo na para sa mga kabataang walang kakayahang pag-aralin ng kanilang magulang," suhestiyon naman ng youth volunteer na si Princess Ana.

Gusto naman ni Marcode na mapalawig pa ang mga ligang puwedeng salihan ng mga kabaranggay na mahilig sa palakasan o sports.

Dapat edad 18-24 ang kakandidato sa SK elections, habang edad 15-30 naman ang maaaring bumoto sa naturang halalan.

-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.