Bus na naaksidente sa Mindoro, nabili sa junk shop

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 05:02 PM

MANILA - Inamin ng may-ari ng Dimple Star bus nitong Miyerkoles na nabili lang sa junk shop ang bus na naaksidente sa Occidental Mindoro noong nakaraang buwan kung saan 19 ang namatay.

Mismong ang may-ari ng Dimple Star na si Hilbert Napat ang umamin dito sa isang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa insidente, ayon kay LTFRB member Aileen Lizada.

Ani Napat, matapos mabili sa junk shop, pinalitan lang nila ang ibang parte ng bus at binuhusan ito ng pintura para magmukhang bago.

Sa kabila nito ay pumayag pa rin Land Transportation Office na ipasada ang nasabing bus, ani Lizada.

Ipinaalala naman ng ahensya na mananatili ang suspension sa buong fleet ng Dimple Star hangga't hindi nasisiguro ang road worthiness ng lahat ng bus nito.

Kailangan din sumailalim sa seminar at drug test ang mga drayber at kundoktor ng kumpanta.

Ipagpapatuloy ng LTFRB ang pagdinig hinggil sa posibleng pananagutan ng Dimple Star sa May 30.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.