Bilang ng mga naghahain ng kandidatura sa SK, kaunti sa kailangan

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 09:01 PM | Updated as of Apr 18 2018 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang National Youth Commission (NYC) nitong Miyerkoles sa mga kabataan na tumakbo sa darating na Sangguaniang Kabataan (SK) elections dahil sa mababang bilang ng mga naghahain ng kandidatura.

Sa tala noong Martes, nasa 39,000 o 11 porsiyento pa lang ang nagsusumite ng kanilang certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) para sa SK elections.

Nasa 336,000 posisyon sa SK ang kailangan mapunan sa 42,000 barangay.

Ikinababahala ito ng NYC lalo at hanggang Biyernes na lang maaaring mag-file ang mga nagnanais tumakbo.

Palagay ng NYC, hindi masyadong nauunawaan ng mga kabataan ang anti-dynasty provision ng SK Reform Act.

Ipinagbabawal para sa mga tatakbo sa SK ang may "second civil degree" na kaanak na kasalukuyang nanunungkulan sa lalawigan, lungsod, bayan o barangay na nais nilang pagsilbihan, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Posible rin umanong nag-aalangan ang iba dahil sa mandatory training na ibibigay sa mga mananalo, ayon sa NYC.

Hindi kasi pauupuin sa puwesto ang SK na hindi dadaan sa pagsasanay kahit sila'y nanalo sa botohan.

Posibleng hilingin ng NYC sa Comelec na palawigin ang paghahain ng kandidatura para sa SK sakaling mababa pa rin ang bilang sa Biyernes.

Iginiit naman ng Comelec na sa ngayon ay walang extension.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.