Bangkay na may kawad sa leeg, natagpuan sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan nitong umaga ng Miyerkoles ang bangkay ng isang hinihinalang biktima ng "salvaging" sa Meycauayan, Bulacan.

May alambre pang nakatali sa leeg ng lalaking biktima na nakitang nakahandusay sa may Barangay Camalig. 

Tinitingnan pa ng mga awtoridad kung ang kawad sa leeg ang sanhi ng kamatayan ng biktima.

Ayon sa mga unang nakakita, tila itinapon lang ang bangkay ng lalaking hindi pa nabibigyan ng pagkakakilanlan.

Posibleng dayo lang sa lugar ang biktima dahil hindi ito kilala ng mga residente ng barangay, ayon sa tanod na si Fortunato Macalipas.

Matatandaang noong Lunes ay nakita naman ang bangkay ng isang babae na nakasilid sa isang bag sa Barangay Bayugo, Meycauayan.

Inaalam ng Meycauayan police kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa dalawa.

Natagpuan din noong Lunes sa service road ng C-5 Barangay Pinagsama, Taguig ang bangkay ng isang lalaking hinihinalang biktima rin ng "salvaging" na nakabalot sa itim na garbage bag.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.