Angkas ng motorsiklo na walang suot na helmet, patay sa aksidente

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 11:39 AM

Patay ang isang angkas ng motorsiklo habang sugatan naman ang driver nito matapos umanong banggain ng isang SUV sa Quezon City, Martes ng gabi.

Bumulagta sa gitna ng kalsada ng Tomas Morato ang duguang katawan ng isang lalaki na sinasabing biktima ng hit and run.

Batay sa nakuhang dokumento, kinilala ang biktima na si Jubert Abenes, 29 anyos at residente ng Marikina City.

Ayon sa mga nakakita, binabaybay ng motorsiklo ang kalsada nang bigla itong mabangga sa likuran ng kasunod nitong kotse sa kanto ng E. Rodriguez.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang biktima na nabiyak ang ulo dahil walang suot na helmet.

"Nasa tamang lane lang 'yung biktima tapos binangga ito ng gray na SUV. Tapos sinubukan pang harangan ng isang pulang sasakyan pero tumakas 'yung nakabangga," kuwento ng saksi na si alyas "Dave."

Ligtas naman ang driver ng motorsiklo na may suot na helmet. Ayon sa mga nakakita, nagawa pa nitong tumayo at maglakad bago dalhin sa ospital.

Tinitingnan ngayon ng pulisya kung may CCTV sa lugar upang matukoy ang plaka ng sinasabing nakabanggang sasakyan.

--Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.