6 patay matapos tamaan ng kidlat sa Sipalay City

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 05:52 PM | Updated as of Apr 18 2018 11:17 PM

SIPALAY CITY, Negros Occidental — (UPDATED) Anim ang namatay matapos tamaan ng kidlat sa Barangay Manlocahoc, Sipalay City Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Sipalay, pawang mga menor de edad ang lima sa mga namatay.

Kinilala ang isa pang biktima na si Mary Tihok, 30 taong gulang.

Ayon sa awtoridad, naglalaro ang mga bata habang nagtatrabaho naman ang kanilang mga magulang.

Ayon kay Konsehal Dionilo Bogtae, sumilong sa ilalim ng trak ang mga manggagawa at kanilang mga anak.

Ayon kay Chief Inspector Nasser Canja, hepe ng Sipalay City Police, sumilong ang tagagapas ng tubo sa ilalim ng trak dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Nakasilong rin ang trak sa ilalim ng puno na siya umanong tinamaan ng kidlat.

Hindi pa matukoy kung ano ang nangyari pero bigla na lang tumama sa kinalalagyan ng mga biktima ang kidlat.

Ayon pa sa CDRRMO, walong iba pa ang ginagamot sa ospital sa Sipalay City habang isa naman ang dinala sa Kabankalan District Hospital at kritikal ang kondisyon.

Nakalabas naman ang anim na iba pang nasugatan sa insidente.

Ayon pa kay Bogtae, nabigla sila dahil hindi umano umulan sa ibang bahagi ng Sipalay City kundi doon lamang sa lugar na pinangyarihan ng trahedya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.