2 tuta, pinagtataga ng lasing sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 02:59 AM

TALISAY CITY, Cebu - Patay ang 2 tuta matapos pagtatagain umano ng isang lalaking lasing sa Talisay City nitong Lunes.

Ayon kay Rodrigo Zafra, may-ari ng 2 tuta, tinaga ng kaniyang pamangkin na si Virgel Luna ang mga aso.

Pagkatapos ay sinira pa nito ang kaniyang motorsiklo.

Dagdag ni Zafra, hindi niya naitanggol ang mga alagang hayop dahil sa takot na siya ang saktan ni Luna. Nakainom umano ang suspek nang mangyari ang insidente.

Nagsampa na si Zafra ng kasong paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998 laban sa pamangkin.

Tutulong naman sa isinampang kaso ang Island Rescue Organization (IRO), isang non-profit organization sa Cebu na nagsusulong sa kapakanan ng mga hayop sa pamamagitan ng pag-rescue, edukasyon, at advocacy.

Sa ilalim ng RA 8485, makukulong ng hindi bababa sa 6 na buwan hanggang 2 taon o magbabayad ng P1,000 hanggang P5,000 na multa ang sinomang lalabag dito.

Ayon kay Talisay City Veterinarian Mary Thessa Loraine Alo, ito na ang pangalawang kaso na may kinalaman sa animal cruelty sa siyudad ngayong taon. - ulat ni Edgar Escalante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.