1 patay, 1 sugatan sa hit-and-run sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 06:29 AM

MAYNILA - Patay ang isang angkas ng motorsiklo habang sugatan ang drayber nito matapos umanong mabundol ng SUV sa Tomas Morato, Quezon City Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Jubert Abenes, 29-anyos, residente ng Marikina City.

Ayon sa mga nakakita, nabangga sa likuran ang motorsiklo ng kasunod nitong SUV habang binabaybay ang Tomas Morato.

Sinubukan pang harangan ng isang pulang sasakyan ang SUV pero tumakas ito sa lugar.

Tumilapon si Abenes na walang suot na helmet. Napuruhan ang kaniyang ulo na dahilan sa agarang pagkamatay.

Ligtas naman ang drayber ng motorsiklo na may suot na helmet.

Ayon sa mga nakakita, nagawa pa nitong tumayo at maglakad bago dalhin sa ospital.

Tinitingnan ngayon ng pulisya kung posibleng may CCTV sa lugar upang matukoy ang plaka ng sinasabing nakabanggang sasakyan. - ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.