Inoobserbahan sa ospital ang kundisyon ni Atty. Gerome Tubig, Provincial Legal Officer ng Provincial Government of Pampanga, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang gunmen ngayong Lunes ng umaga.
Ayon sa Pampanga Police Provincial Office, kakaparada lang ni Tubig sa harap ng Macabali Hospital sa Barangay Sto. Rosario, Lungsod ng San Fernando, Pampanga nang pagbabarilin siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
"Kaninang umaga pupunta siya sa doktor, magpapa-therapy dahil sa kanyang sugat or fracture, tapos doon naman mismo sa parking area sa harap ng ospital ng Macabali, doon binaril ng mga suspek 'yung victim... Mayroon siyang mga schedule na appointment na three times a week sa doktor niya," ani Police Col. Levi Hope Basilio, provincial director ng Pampanga Police Provincial Office.
Patuloy sa pangangalap ng ebidensya ang mga operatiba ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen.
Pinaghahanap na rin ang mga suspek sa likod ng pamamaril.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen.
Dating Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Pampanga si Tubig, ayon sa pulisya.
"Sa ngayon, kung merong makapagbibigay ng information tungkol sa suspek, nagpakalat na rin kami ng pagkakilanlan o description ng motor at nung mga suspek. Baka sakaling may nakakakilala o makapagsabi, lumapit lang po o tumawag sa pinakamalapit na police station natin," dagdag ni Basilio.
— Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.