2 dam sa Northern Samar, nagbawas ng tubig bilang paghahanda sa bagyong Bising

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2021 04:33 PM

Ipinaghahanda na rin ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Palapag sa Northern Samar ang mga residenteng nakatira malapit sa Palapag River. Larawan mula sa MDRRMO Palapag

Dalawang dam sa bayan ng Palapag sa Northern Samar ang nagbawas na ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng padating na bagyong Bising. 

Para mapaghandaan ang posibleng matinding pagbaha dulot ng mga pag-ulan na dala ng bagyo, ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Palapag na magpalabas ng tubig simula Sabado ang Bagacay Dam at Mapno Dam sa nasabing bayan. 

Pinayuhan din ang mga residente malapit sa Palapag River na paghandaan ang posibleng epekto ng bagyo. 

Nagpatawag na ng meeting ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Palapag. Pinangunahan ang naturang pulong ni acting Mayor Ricardo Batula at MDRRMO Officer Jeremy Alexandre Evardone. Dinaluhan din ito ng mga opisyal ng barangay. 

Nagpalabas na rin ng kautusan ang lokal na pamahalaan para pansamantalang ipagbawal ang pagpapalaot ng mga mangingida. Ipinagbawal din ang pagbibiyahe sa dagat para iwas disgrasya. 

Inatasan na ang lahat ng mga barangay na mag-activate ng kanikanilang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council. 

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.