Suspek sa droga patay sa engkwentro sa Malabon

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 03:04 AM

Patay ang isang drug suspek matapos mauwi sa engkwentro ang buy-bust operation sa Barangay Longos, Malabon City nitong Huwebes ng gabi. 

Kinilala ang napatay na suspek na si alyas Estong Bato na nasa drugs watchlist. 

Sugatan naman ang isa pang suspek na nasa watchlist din, habang nakatakas ang ikatlong suspek. 

Ayon kay Police Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, hepe ng Northern Police District, nakatunog ang mga suspek na pulis pala ang kanilang ka-transaksyon kaya binaril ang poseur buyer.

Pinaputukan na rin ng baril ng mga pulis ang mga suspek. 

Naisugod pa sa ospital si alyas Estong Bato pero idineklara itong dead on arrival. 

Isinugod din sa ospital ang isa pang suspek at ang pulis na nabaril sa operasyon.

Nakuha sa lugar ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, kalibre .45 na baril, at buy-bust money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.