'Parang martial law': Mas mahigpit na lockdown babala ni Duterte kung paglabag magpapatuloy

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 04:11 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasunod ng pagdami ng mga umano’y lumalabag sa mga protocol ngayong may enhanced community quarantine sa ilang parte ng bansa, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte ng mala-"Martial Law" na pagpapatupad ng quarantine protocols kapag hindi pa sumunod ang mga ito. 

"Ang pulis pati military ang mag-enforce sa social distance, at yung curfew. Sila na. Parang martial law na rin, mamili kayo. Ano mang partido mo, ano mang kulay mo sumunod ka, kasi pag hindi, ang kaharap mo sunod ang militar na at ang pulis. Ngayon kailan? Baka next week," ani Duterte sa public address gabi ng Huwebes.

Nabanggit ito ni Duterte kasunod ng mga napapaulat na insidente ng inuman, pagsikip ng mga kalsada, at pagsasabong kahit may enhanced community quarantine. 

Pinaiimbestigahan na rin ni Duterte ang mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program na siyang mga gumagamit ng pondo sa pang-inom at pangsugal sa halip na gamitin sa mga pangangailangan ng pamilya. 

"Alam mo sa totoo lang, 'yung kayong nagsasabong pati nag-iinuman, ibig sabihin may pera kayo. Do not expect any help from me. Sabihin ko talaga. Sorry na lang. May pera pala kayong pangsabong, may pera pala kayong pang-inom edi ibigay ko nalang,” ani Duterte. 

Nanawagan din si Duterte ng dagdag pang pasensya sa publiko sa gitna ng lockdown. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Agad namang nilinaw ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na hindi opsyon para sa gobyerno ang deklarasyon ng Batas Militar. 

Babala lang daw ito ng pangulo sa mga lumalabag sa quarantine protocols. 

"But are we talking about martial? 'Yung constitution is very clear naman no, in cases of invasion and rebellion. So warning lang sa mga violators, and warning lang sa mga lumalabas at pasaway, na umayos kayo. Mag-behave. Let’s keep order," ani Karlo Nograles, IATF spokesperson. 

Tingin din ni Department of the Interior and Local Government secretary Eduardo Ano na hindi pa kinakailangang magdagdag ng pangil ng pulis at militar. 

"Sa ngayon naman kayang-kaya pa natin... Tingnan natin ngayong mga susunod na mga araw," aniya sa panayam sa DZMM. 

Pero magdadagdag anila sila ng pulis para masigurong walang magsasabong at magsusugal habang may lockdown sa buong Luzon. 

— Ulat nina Pia Gutierrez at Jorge Carino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.