'Pantawid ng Pag-ibig': Ilang frontliners, komunidad inabutan ng food packs sa ilang siyudad

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 06:34 PM | Updated as of Apr 20 2020 02:34 PM

Pinadalhan ng “Pantawid ng Pag-Ibig” campaign ng ABS-CBN ng mga pagkain mula sa Jollibee Group ang ilang komunidad at frontliners sa Quezon City, Navotas, at Malabon. ABS-CBN News

Sa maliit na espasyo ng kanilang bahay sa Barangay Katipunan, Quezon City nananahi si Rhoda Quintos ng mga face mask mula sa retasong air filter. 

Pinagawa ang mga nasabing air filter sa kaniya, bago pa mag-umpisa ang enhanced community quarantine sa Luzon. 

“Noong nakita ko yung material puwede pang-face mask. Mas makapal pa sa surgical mask,” ani Quintos. 

Natigil ang kita para sa kaniyang buong pamilya. Pero hindi pa rin nawawala ang kaniyang pagnanais na makatulong sa iba. 

Ang ilan sa mga facemask, ipinadala niya sa mga anak sa Leyte para maibenta. 

Pero karamihan dito ay ipinapamigay niya nang libre sa mga kabarangay. 

“Ang hirap ngayon eh, kailangan natin magtulungan kasi para matapos. Yung anak ko, no work, no pay. May baby siya, paano Ang gatas?” mangiyak-iyak na sinabi ni Quintos. 

Hindi naman natigil sa pagtatrabaho sina Gonzalo Orencio at Roberto Buenaviaje na nagkakarga at nag-aayos ng relief goods sa Navotas City. 

Mga kapitbahay daw mismo ni Orencio ang dumadaing sa kaniya sa kakulangan ng pagkain. Hindi niya matiis ang kanilang kalagayan kaya’t tumutulong siyang mapabilis ang ayuda sa mga kalugar. 

“Merong wala talaga, pag may lumalapit sa amin, pag meron kami, binibigyan namin kung may matutulong. Nakakaawa kung di tutulungan,” ani Orencio. 

Ilan sina Orencio, Buenaviaje, at Quintos sa mga pinadalhan ng “Pantawid ng Pag-Ibig” campaign ng ABS-CBN ng mga pagkain mula sa Jollibee Group. 

Masaya maging ang mga bata sa lugar nina Quintos na nakatanggap ng paborito nilang pagkain. 

Nabigyan din maging ang mga tauhan ng munisipyo ng Navotas, mga frontliner sa Pasay at health workfers sa ospital ng Malabon kung saan mino-monitor ang taong hinihinalang may coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

“Food is very needed kasi we have lots of frontliners sa different areas. Kahit dito lang sa amin sa ospital, we have food from the city, pero mas marami mas maganda,” ani Dr. Mitzi Tanchoco, pinuno ng Ospital ng Malabon. 

Pinadalhan din ng food packs ang mga frontliner na pulis sa lungsod. 

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Champion Detergent 
  • Coca-Cola 
  • Colgate Palmolive 
  • Great Taste 3-in-1 
  • Hana Shampoo
  • Kopiko 
  • Ligo Sardines 
  • Quick Chow Noodles 
  • Mega Sardines 
  • Rebisco 
  • Safeguard 
  • CDO Foodsphere 
  • International Pharmaceuticals incorporated
  • Lucky Me

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanap-buhay dahil sa quarantine.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.