Paalala ng MMDA: Quarantine passes di pwedeng gamitin para tumawid ng siyudad

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 01:32 PM

Bawal gamitin ang quarantine passes sa pagtawid sa ibang siyudad habang pinapairal ang enhanced community quarantine sa Luzon, paglilinaw ng kawani ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong Biyernes. 

"Karamihan po sa mga sasakyan ay ginagamit ang quarantine pass. Again, hindi ito puwede [ang] tawid-LGU," ani MMDA spokeswoman Celine Pialago sa "Laging Handa" press briefing. 

"‘Yung iba po sa mga dahilan ay mahaba daw ang pila ng mga market, ng mga drug store sa kanilang lugar kaya napipilitan sila na lumipat ng siyudad. Again, sila po ay pinapabalik at kinukuha ang lisensiya," dagdag niya. 

Sakaling mahuli, kukumpiskahin ito ng Land Transportation Office. (LTO), ayon kay Pialago na nagsabing nasa 50 motorista kada araw ang nahaharang ng mga awtoridad sa paglabag sa quarantine protocols. 

Nabanggit ito ng MMDA kasunod ng mga ulat na nagkakaroon ng trapiko sa ilang parte ng Metro Manila, episentro ng coronavirus sa bansa, kahit pa man may enhanced community quarantine na pinapairal sa buong Luzon. 

Sa enhanced community quarantine, tigil muna ang biyahe ng mass transport at nililimitahan ang bilang ng mga pinapalabas sa bahay para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nauna nang sinabi ng MMDA na maninita sila gayundin ang Philippine National Police - Highway Patrol Group at mangungumpiska ng mga lisensiya ng mga lalabag sa quarantine protocols. 

Magmula Abril 16, may 3,621 kaso na ng COVID-19 sa Metro Manila, higit pa sa kalahati ng kabuuang COVID-19 cases ng bansa. Sa talang ito, 203 ang gumaling sa sakit habang 196 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.