P800,000 halaga ng 'illegally manufactured alcohol', nasabat sa Caloocan

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 01:19 AM

Nakumpiska ang mga galon ng "illegally manufactured alcohol" na nagkakahalaga ng humigit kumulang P800,000 sa Barangay 163, Sta. Quiteria, Caloocan City nitong Huwebes ng hapon.
 
Kalaboso din ang tatlo kataong nagbebenta ng naturang alcohol.

Ayon kay Police Lt. Col. Giovanni Caliao mula sa Northern Police District, nakipagtransaksyon sila sa 21 anyos na babaeng suspek at dalawa niyang staff matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa kontrabando. 

Nitong April 6 isinumite sa Food and Drug Administration (FDA) ang nabiling alcohol para sa laboratory test at maberipika kung awtorisadong magbenta ang online seller. 

Batay sa certification and laboratory test result ng FDA na lumabas kahapon, napag-alamang walang lisensya upang magbenta ang 21 anyos na suspek. 

Nakuha rin sa operasyon ang mga measuring cup, weighing scale at iba pang paraphernalia, at unregistered assorted cosmetic products.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act, FDA Act at Bayanihan to Heal as One Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.