Negosyanteng gumagawa ng aerosol box para sana sa mga ospital, ninakawan

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 06:07 PM | Updated as of Apr 17 2020 06:08 PM

Huli sa CCTV footage ang 3 lalaking sumalisi sa isang negosyante na gumagawa ng acrylic aerosol box na ipamamahagi sana niya sa mga ospital sa General Santos City. Kuha ni Kathlyn Ordesta

GENERAL SANTOS CITY - Nabiktima ng salisi ang isang negosyanteng gumagawa ng acrylic aerosol box na ipamamahagi niya sana sa mga ospital sa lungsod na ito Huwebes ng hapon.

Ayon kay Kathlyn Ordesta, kumakain ang mga tauhan niya ng pananghalian nang mapansin ng isa sa kanila na nawawala ang cellphone nito na naka-charge kung saan sila gumagawa ng aerosol box.

Napansin rin nilang nawawala ang grinder na ginagamit nilang pang-cut sa mga acrylic sheets. Ang mga sheet na ito ang bumubuo sa aerosol box, na ipinapatong sa ulunang bahagi ng pasyente ng COVID-19 na nangangailangan ng intubation. Ito ay nagsisilbing protective barrier ng health worker. 

Nang tingnan ni Ordesta ang kanilang CCTV footage, dito niya nakumpirmang nabiktima sila ng salisi.

Makikita sa CCTV footage ang isang lalaking nakadamit kulay itim at gray pants na sumisilip sa glass window ng shop.

Mapapansin din ang dalawa pang lalaki na nakaitim na shirt at red shorts at ang kasama nitong naka pulang shirt at pulang shorts na tila nagmamasid sa paligid.

Maya-maya pa, tinangay na ng suspek ang cellphone at grinder papalayo sa shop.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nananawagan naman si Ordesta sa mga awtoridad sa agarang pagkakahuli ng mga salarin.

- Ulat ni Kent Abrigana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.