Mass hiring ng mga nurse hinimok ng grupo sa gitna ng krisis sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 08:05 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:44 PM

Watch more in iWantTFC

Hinimok ng isang grupo ng mga Filipino nurse na magsagawa ng "mass hiring" o maramihang pagkuha ang Department of Health ngayong understaffed o lubog ang mga pampublikong ospital dahil sa krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa tantiya ng grupong Filipino Nurses United, isang nurse lang ang nag-aasikaso sa may 30 hanggang 40 pasyente sa isang ward ng hospital. 

"Hindi na nating kailangan hintayin na maubos ang ating mga nurses at mga frontline health workers sa pang-araw-araw na duty nila ay nakataya ang kanilang buhay, safety at kalusugan," ani Jocelyn Andamo, secretary-general ng FNU. 

Ang mungkahi nila, mag-hire ng 40,200 nurse para sa bawat barangay at 6,000 naman para sa mga COVID-19 hospitals. 

Nanawagan din ngayon ang Alliance of Health Workers na gawing regular ang mga nurse. 

Isa ang registered nurse na si Nicolito Oba sa mga nag-apply at naghihintay na lamang ng tawag sa DOH para sa contractual na trabaho. 

Panawagan ng FNU, gawing regular ang kanilang status at on time ang kanilang suweldo. 

"Iyong payment sa amin or benefit, wala kaming security of tenure o anytime na hindi na kailangan ang service namin, pwede na kami tanggalin depende sa contract. Pero kung kailangan na kailangan talaga ng bansa natin ng mga nurses, lalo na kailangan ng mga pasyente natin ng nurses para gumaling, okay naman po sa amin at saka mas okay na siya kaya sa volunteer na status," ani Oba. 

Una na ring naglabas ang DOH ng anunsiyo para sa emergency hiring ng health personnel kabilang ang mga doktor, nurse, medical technologist at support staff sa loob ng 3 buwan na contract of service. 

Makakakuha sila ng basic salary at 20 percent na premium at hanggang P500 na hazard allowance kada araw. 

Magkakaroon din sila ng P500 na group insurance mula sa Government Service Insurance System, P1000 kada buwan na transportation at communication allowance, P100,000 infirmity, P1 milyon kung mahawahan ng COVID-19, hospitalization, at iba pang benepisyo.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.