Lalaki patay sa pamamaril sa Dumaguete City

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 04:05 AM

Patay ang isang 40 anyos na lalaki matapos barilin ng dalawang salarin sa Dumaguete City, Negros Oriental nitong Miyerkoles ng hapon.

Lalabas sana ng kanyang bahay si Leovin dela Torre sa Barangay Daro ng sinugod siya ng dalawang armadong lalaki.

Ayon kay Police Lt. Col. Wilfredo Alarcon, hepe ng Dumaguete City Police, sinubukan pa ni dela Torre na magtago sa kanilang bahay pero pinagbabaril siya ng ilang beses ng mga gunman.

Hindi nakaligtas ang biktima na nagtamo ng 27 na mga sugat mula sa tama ng bala ng caliber .45 pistol.

Tumakas ang mga salarin sakay sa motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulis at tinutukoy kung nasama sa kasong pamamaril si dela Torre noong 2016.

Personal na galit ang tinitignang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.