Higit 100 specimen booths itatayo sa iba't ibang rehiyon para COVID-19 testing mapabilis

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 06:00 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Para mas mapabilis ang pag-test ng mga pasyenteng hinihinalang may coronavirus disease 2019, magpapatayo ng mahigit 100 specimen collection booth ang gobyerno sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, ayon sa Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases noong Biyernes.

Sa press briefing, sinabi ni Cabinet Secretary at IATF spokesperson Karlo Nograles na aabot sa 132 specimen booths ang kanilang ilalatag sa unang bahagi ng proyekto. 

Ayon sa Department of Science and Technology, ipapakalat ito sa mga sumusunod na rehiyon: 

• Metro Manila – 34
• Cordillera Administrative Region – 6
• Ilocos Region - 6
• Cagayan Valley – 6
• Central Luzon – 8
• CALABARZON – 4
• MIMAROPA – 2
• Bicol Region – 5
• Western Visayas – 6
• Central Visayas – 7
• Eastern Visayas – 3
• Zamboanga Peninsula – 10
• Northern Mindanao – 5
• Davao Region – 4
• SOCCSKSARGEN– 3
• Caraga Region - 4
• Department of Health Centers for Health Development Offices- 19

Sa ngayon, may aabot na 16 COVID-19 testing centers ang Pilipinas. Dapat ding gawing 24 oras ang pagpapatakbo nito, ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III. 

Layon nilang magpatakbo ng 8,000 hanggang 10,000 COVID-19 tests kada araw pagkatapos ang Abril. 

Magmula Abril 17, Biyernes, nasa 5,878 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa. Nasa 435 ang naitalang gumaling sa sakit habang 362 naman ang naitalang namatay. 

PAG-CREMATE SA COVID-19 PATIENTS 

Samantala, napagkasunduan ng Metropolitan Manila Development Authority at ng mga lokal na pamahalaan at ilang ahensiya na maglatag ng mga reefer na paglalagyan ng mga namatay sa coronavirus bago ipa-cremate ang mga ito 

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, ilalagay ang mga reefer sa iba't ibang parte ng Metro Manila, partikular na malapit sa mga crematorium. 

Isasama na rin ang mga funeral services at ang kanilang mga supplier sa listahan ng mga essential businesses para hindi malimitahan ang kanilang galaw ngayong may banta ng coronavirus. 

Ipapako rin sa P25,000 ang rate sa ilang crematorium. 
Maaalalang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga crematorium na huwag manamantala at huwag itaas ang kanilang presyo. 

Magbibigay din ng P25,000 ayuda ang Department of Social Welfare and Development sa mga naulilang indigent families na namatayan sa COVID-19. 

Pinag-uusapan din ang pagpapatupad ng cremate now, pay later scheme para sa ilang biktima. 

-- Ulat nina Arianne Merez at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.