Doktor patay matapos masagasaan ng truck sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 05:56 AM | Updated as of Apr 17 2020 09:52 AM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang doktor matapos masagasaan ng truck sa Pandacan, Maynila.

Pauwi na sana si Dr. Ma. Theresa Dajao galing duty sa Kahilum Health Center nang masagasaan siya ng 10-wheeler truck.

Sa ulat mula sa Manila police traffic investigation section, binabaybay ng biktima ang northbound lane ng Quirino Avenue sakay ng kanyang bisikleta nang sagasaan siya ng truck sa kanyang likuran.

Itinakbo si Dajao sa Ospital ng Maynila pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Dr. Arnold Pangan, acting city health officer ng Manila health department, bisikleta lang ang sinasakyan ng biktima tuwing dumu-duty sa health center dahil malapit lang ito sa kanilang bahay.

Physician-in-charge ng Kahilum Health Center si Dajao at medical officer IV ng Manila health department mula pa noong 2006.

Sa edad na 54 anyos, kilala siya ng kanyang mga kasamahan bilang maasahan at masipag na doktor.

Inaresto ng Manila Police District traffic enforcement unit ang 36 anyos na truck driver pero nakalaya rin ito matapos maareglo ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.