ATMs ng LandBank tiniyak na laging malinis laban sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 10:14 AM | Updated as of Apr 17 2020 10:38 AM

MAYNILA - Tiniyak ng LandBank of the Philippines na regular nilang nililinis ang mga ATM para maprotektahan ang kanilang mga customer mula sa nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Yung mga ATM na nasa premises ng LandBank, 'yung nasa branches, ang mga 'yan ay regular na nililiis namin. 'Yung keypad, screen, monitor nililinis namin regularly, more than twice a day at naglalagay din kami ng hand sanitizer para sa mga kliyente," pahayag ni Cecilia Borromeo, presidente at CEO ng LandBank.

Ayon kay Borromeo, may mga ginagawa rin silang pag-iingat laban sa virus sa mga ATM machine sa labas ng branches o tinatawag nilang offsite ATMs.

"Naglalagay kami ng marka sa floor para may guide 'yung mga tao sa social distancing. 'Yung ibang branches naglalagay ng upuan para mas convenient para sa mga kliyente at ang aming mga guwardiya patuloy nilang in-a-advise 'yung mga customers na they should follow the social distancing protocols," sabi pa niya.

Sa panayam sa DZMM, binanggit din ni Borromeo na marami sa kanilang branch managers din ang nagiging resourceful sa kabila ng pandemyang dulot ng COVID-19.

"Yung iba naglalagay ng hugasan ng kamay sa tabi ng mga ATM just to reduce the probability of our customers being infected," saad niya.

Magugunitang ilang branches ng naturang bangko ang dinagsa kamakailan para sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) social amelioration program para sa mga public utility drivers na hindi makabiyahe dahil sa lockdown sa buong Luzon.
 
"Dahil sa dami, na breach 'yung protocols on social distancing kaya humingi na rin kami ng tulong sa pulisya to remind the customers that they should socially distance from the other customers. Medyo malungkot ang pangyayari na 'yun sana 'di na po maulit," sabi niya.