9 preso, 9 personnel ng QC jail nagpositibo sa coronavirus: BJMP

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 04:05 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:52 PM

Watch more in iWantTFC

Nagpositibo sa coronavirus ang 9 preso at 9 kawani ng Quezon City jail, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology spokesman Chief Insp. Xavier Solda.

Unang nabanggit ni Solda na may 9 na nagpositibong preso na naka-isolate sa isang pasilidad sa Payatas, Quezon CIty. Naka-home quarantine naman aniya ang 9 personnel na nagpositibo sa virus. 

Ayon kay Solda mas pinaigting na ang ginagawang contact tracing at decontamination operations.

Dumating din aniya ang mga tauhan ng Department of Health Metro Manila office sa Quezon City jail para suriin ang sitwasyon doon.

Iginiit naman ni Solda na hindi na nila masabi kung ang pinagmulan ba ng virus ay ang naunang naitalang suspected case COVID-19 sa isang preso na namatay na dahil agad syang na-cremate.

Gayunman, tuloy aniya ang kanilang imbestigasyon para malaman kung saan nakuha ang virus ng mga preso at personnel ng Quezon City Jail.

Sinabi pa ng opisyal na magkakaroon ng pagpapalit sa guwardiya ngayon sa Quezon City Jail. Ang dati na aniyang nakaduty ay papalitan ng mga bagong graduate na jail officers.

Nanawagan naman si DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa mga LGU na isama sa mass testing ang mga PUI sa mga city jail na sa kanilang nasasakupang lugar.

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.