P2-M halaga ng droga nasamsam sa Cavite; 10 arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 05:00 PM | Updated as of Apr 17 2019 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sampu ang arestado sa ikinasang buy-bust operation ng pulis nitong Lunes sa loob ng isang exclusive subdivision sa Bacoor, Cavite. 

Kabilang sa naaresto ang main target ng operasyon na si Katrina Mares na umano'y nagmamay-ari ng mga droga. 

Ayon kay Bacoor chief of police Lt. Col. Vicente Cabatingan nitong Miyerkoles, nagsimula umano ang imbestigasyon nang may magsumbong sa kanila na may mga transaksiyon ng droga sa lugar. 

Nang magpositibo ang buy-bust, sinalakay ng mga pulis ang bahay at natagpuan ang nasa P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu at marijuana. 

Isinilid umano ang sachet ng shabu sa mga pakete ng sigarilyo, habang nakabalot daw sa aluminum foil ang nasasamsam na umano'y marijuana. 

Pero itinanggi ni Mares na pagmamay-ari niya ang droga. 

Giit niya na maaaring ipinlanta lang ang ebidensiya dahil sa kaniyang kasintahan na nakulong na sa pagbebenta ng droga noong 2018. 

"These were all planted. I was sleeping when they went to the house. (Ang pulis ang naglagay nito. Tulog ako noong sinalakay nila ang bahay.) " aniya. 

"I'm trying to help my boyfriend get out so maybe this is one of the reasons why they did this to me. (Baka kaya nila ginagawa 'to kasi tinutulungan kong makalabas ng presinto 'yung kasintahan ko.)" 

Dalawang buwan daw minanmanan ng pulis si Mares. 

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.