PatrolPH

Mahigpit na seguridad ipinatutupad sa mga simbahan sa Iligan City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 06:10 PM

Mahigpit na seguridad ipinatutupad sa mga simbahan sa Iligan City 1
Patuloy na nagpapatupad ng paghihigpit ng seguridad sa mga simbahan para sa paggunita ng Semana Santa. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY - Hindi na inalis pa ng Simbahang Katolika ang no-backpack policy na ipinatupad nila matapos ang pambobomba sa Jolo, Sulu noong Enero ngayong inaasahang dagsa ng mga bibisita dahil sa Semana Santa.

Lahat din ng papasok sa compound ng simbahan, kailangang dumaan sa inspeksyon kahit pa sa Biyernes Santo kung kailan gagawin ang prusisyon, at sa Linggo kung kailan naman nakatakda ang “salubong” o pagdiriwang ng Araw ng Pagkabuhay. 

Inaasahang maraming dadalo sa mga araw na ito kaya mas lalong ipatutupad ang seguridad kahit pa bumagal ang usad ng mga tao sa sistemang ito.

Ayon sa ilang mga nagsisimba, mas mahalaga para sa kanila ang kaligtasan. 

Dagdag naman ni Police Maj. Jovane Cabusas, hindi na kakailanganin pang mag-jam ng signal ng mga cellphone.

Magtatalaga rin sila ng mga pulis sa simbahan bilang paghahanda sa Bisita Iglesia. Maliban sa terorismo, binabantayan rin nila ang mga krimen gaya ng pagnanakaw at snatching na madalas nangyayari kung saan may umpukan ng tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.