'Labor-only contracting': paano mawawakasan ng panukalang batas?

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 11:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Enero, lumusot sa Kamara ang panukalang batas na magwawakas sa "endo" o sistemang end-of-contract.

Endo ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim ng mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho kaya hindi sila maging regular na empleyado at nagkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa. 

Partikular na tinutukan ng naturang panukalang batas ang ilegal na kalakaran ng "labor-only contracting."

"Kapag sinabi kasi nating labor-only contracting, ito na 'yong sinasabi nating contractualization, nagkokontrata ka ng trabaho," ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Kadalasan, sa ilalim ng labor-only contracting, sa halip na contractor ang direktang may hawak sa mga manggagawang ipinasok sa isang kompanya, mismong ang kompanya na ang may kontrol sa pagtatrabaho ng mga manggagawa ng contractor.

"Halimbawa, sa isang mall, ako 'yung labor-only contracting, ipapasok ko halimbawa yung mga saleslady ko, pero wala akong kontrol, hindi ko sila makokontrol kapag nandodoon sila sa loob, kasi ang may kontrol na doon, kung sino 'yung head ng employer," paliwanag ni Castro.

Ayon kay Castro, isa sa mga pagtitiyak ng panukalang batas para hindi na mangyayari ang labor-only contracting ay ang pagbabawal na ipasok ang mga manggagawa ng job contractor sa trabahong nasa linya talaga ng negosyo ng kompanya.

Kunwari sa isang mall, hindi puwedeng ipaubaya ng pamunuan ng mall sa contractor lamang ang mga trabahong pang-saleslady at kahera dahil direkta itong may kinalaman sa operasyon ng mall.

Gayunman, puwedeng kumuha ang mall ng contractor na magsu-supply ng janitors dahil iyon ay trabahong hindi mismo nakaugnay sa operasyon ng mall.

Dagdag pa ni Castro, mas pinalaki na rin ang kinakailangang kapital ng isang job contractor at kailangan nang kumuha ng lisensiya.

"Kailangan silang magpa-license, every three years magpapa-license sila, at mayroon silang permit fee o license fee," ayon kay Castro.

Paliwanag ni Castro, gagamitin ang lisensiya para makita kung bayad ang benepisyo ng mga manggagawa na hawak ng job contractor.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na walang kapangyarihan ang ehekutibo para tapusin ang endo.

Dapat daw kasi ay magkaroon ng batas mula sa lehislatibo para magkaroon ng ngipin ang reglamento kontra end of contract.

Nitong Lunes, Abril 16, muling nabigo ang ilang labor group nang sabihin ng Malacañang na wala sa iskedyul ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipagpulong sa grupo ng mga manggagawa at pumirma sa isang executive order (EO) na magwawakas umano sa endo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.