Awstralyanong madre, pinalaya na pero pinasasagot sa bintang

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinalaya na ang 71 taong gulang na Australian missionary na inaresto ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes dahil sa umano'y reklamong "partisan political activities." 

Dinampot ng mga awtoridad si Sister Patricia Fox dahil laman umano siya ng mission order ng BI dahil sa pagsali sa mga rally kontra sa gobyerno.

Lagpas dalawang dekada nang naninirahan sa Pilipinas si Fox kaya't marami ang nagulat nang bigla siyang idetene ng mga tauhan ng BI. 

Tingin ng mga kumokondena sa naging aksiyon ng BI, pinag-initan ang madre dahil parte ito ng International Fact-Finding and Solidarity Mission sa Mindanao na layong imbestigahan ang mga hinihinalang pang-aabuso sa ilalim ng martial law roon.

"It's an act of cowardice. It smacks of paranoia. They're criminalizing criticism," ani Akbayan chairperson emeritus Loreta Ann Rosales. 

Pero giit ni Fox, bahagi lamang ito lahat ng pagiging misyonaryo niya. 

"I haven't joined political rallies in terms of party politics, but I have been active in human rights issues," ani Fox matapos mapalaya. 
    
Kahit pinalaya, pinasasagot si Fox sa loob ng 10 araw sa reklamong inihain ng National Intelligence Coordinating Agency. Pinaiwan din sa BI ang passport niya habang dinidinig ang reklamo. 

"Undesirable alien" kasi umano si Fox, pero ayon sa abogado niya, lalabanan nila ang balak na pagpapa-deport sa kaniya. 

Plano sana ni Fox na lumipad pa-Australia para sa isang pulong ng kongregasyon.

Si Fox ay miyembro ng Australian rural missionary na Notre Dame de Sion sisters at volunteer staff din siya ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.