14 sugatan sa magkahiwalay na pagsabog sa Tacurong

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 01:18 AM

Dalawang magkasunod na pagsabog ang yumanig sa Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat Lunes ng gabi.

Ayon kay Sr. Supt. Raul Supiter, provincial director ng Sultan Kudarat Police, naganap ang unang pagsabog bandang 6:45 ng gabi.

Itinapon ang bomba sa bubong ng banyo ng isang convenience store sa loob ng gasolinahan sa national highway ng Barangay New Isabela.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis kasama ang militar at ilang miyembro ng civilian volunteer organization.

Nasundan ito ng isa pang pagsabog 7:10 ng gabi.

Labing-apat sugatan sa insidente kabilang ang mga sumusunod: Staff Sergeant Ipil Presaldo, Staff Sergeant Menzo, Salsalito Manoy, Bobong Bamo, SPO2 Jasper Garcia, PO2 Martin San Pedro at PO1 Eleazar Sustiguer.

Isinugod sa pagamutan ang mga biktima at kasalukuyang inoobserbahan ang kanilang kalagayan.

Tinutukoy pa ng mga otoridad ang uri ng pampasabog na ginamit ng mga taong nasa likod ng insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.