PatrolPH

Naiwang kandila hinihinalang sanhi ng sunog sa San Pedro, Laguna

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2021 06:33 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Tinatayang aabot sa P1.2 milyon ang halaga ng napinsala sa sunog na tumama sa 13 bahay, karamihan mga barong-barong, sa lungsod ng San Pedro, Laguna, Huwebes ng gabi.

Tumagal nang mahigit isang oras ang sunog na sumiklab sa Bgy. Cuyab bandang alas-10 ng gabi. Alas-11:12 na naapula ang sunog.

Ayon kay SFO1 Zaldy Liwag, chief operations officer ng San Pedro City fire station, nagsimula ang apoy sa compound ng mga barong-barong sa Lilac St., Camella Homes South 1. 

Tinuturong pinagmulan nito ang bahay ng isang stroke survivor na kinailangang buhatin ng mga kasamahan sa bahay palabas.

Wala namang nasaktan sa sunog, ayon sa fire station.

Sabi ni Liwag, posibleng naging sanhi ang isang naiwang kandila dahil walang kuryente sa lugar at natutulog na noon ang mga residente.

Nadamay rin ang 2 katabing mga bungalow nang lumagpas ang apoy sa firewall at mahulog ang nasusunog na debris mula sa mas matataas na shanty.

Rumesponde pati ang mga bombero mula sa mga katabing lungsod ng Biñan, Sta. Rosa, at Muntinlupa nang itaas ang ika-2 alarma.

Ayon kay Daryl San Pedro ng San Pedro City Rescue, nasa 15 pamilya ang apektado.

Sumilong sila sa multipurpose hall ng subdivision at sa kalapit na kapilya.

Namahagi na ang lungsod ng hygiene kits, sleeping kits, face masks at alcohol bilang bahagi ng relief goods.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.