Tricycle driver kalaboso sa droga sa QC

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 04:08 AM

Inaresto ang isang tricyle driver dahil sa droga sa checkpoint sa IBP Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Walang helmet at quarantine pass si alyas Lester kaya hinuli siya ng mga pulis.

Nang magpakita ng ID, nakita sa wallet niya ang ilang pakete ng shabu.

Umamin ang suspek na ipinabili sa kanya ito ng isang kakilala.

Kwento niya, ilang taon na siyang tricycle driver pero dahil lockdown, tigil siya sa pamamasada.

Wala umano silang pambayad ng renta at wala pa ring natatanggap na ayuda.

Ayon kay Police Captain Francisco Luceña ng Quezon City Police District Station 6, hindi sila naniniwala sa suspek at palusot lang niya ito.

May pailan-ilan pa rin kasi umanong lumalabas para magbenta o bumili ng droga kahit umiiral ang enhanced community quarantine.

Kulong ang suspek sa Batasan Hills police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.