Tagaytay naitala ang unang COVID-19 case

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:42 PM

Naitala na sa Tagaytay City ang kauna-unahang kaso ng bagong coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Huwebes ni Mayor Agnes Tolentino.

Kinilala ang pasyente bilang isang 29 anyos na empleyado sa isang ospital sa lungsod at naninirahan sa isang condominium sa Barangay Silang Crossing East.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang city health office sa mga nakasalamuha ng pasyente, na napag-alamang nagpunta rin kamakailan sa isang area sa Barangay San Jose.

Muling pinaalalahanan ang mga taga-Tagaytay na manatili sa kanilang mga bahay, sumunod sa physical distancing, at palaging maghugas ng kamay.

Dapat ring makipag-ugnayan sa barangay health workers o city health office ang sino mang nakararamdam ng sintomas ng COVID-19 tulad ng lagnat na may kasamang ubo at kahirapan sa paghinga.

Nasa 5,453 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, base sa huling tala ng Department of Health nitong Miyerkoles. Ang 353 sa mga ito ay gumaling na, habang 349 naman ang namatay.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.