Shutdown ng Manila barangay natapos na; ilang lumabag pinag-jogging

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:29 PM

Pinag-jogging ang ilang nahuling lumabas ng kanilang bahay bago matapos ang total shutdown sa Barangay 20 sa Tondo, Maynila noong gabi ng Miyerkoles.

Isinailalim ni Mayor Isko Moreno ang buong barangay sa shutdown mula alas-8 ng gabi ng Martes hanggang alas-8 ng gabi noong Miyerkoles matapos matuklasang may pa-boxing at pa-bingo sa lugar, na paglabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine.

Isang oras bago matapos ang shutdown, muling nag-ikot ang Special Mayor's Reaction Team ng Manila Police District (MPD) sa barangay, na kilala rin bilang Parola Compound.

Pinapila ng mga pulis ang 10 residenteng nahuli sa labas ng kanilang bahay at pinag-jogging paikot ng barangay.

Sa kabuuan, hindi bababa sa 150 ang nahuling lumabag sa shutdown, kung saan ang iba ay pansamantalang dinala sa Tondo Sports Complex.

Pero para kay Police Lt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng MPD Station 2, matagumpay pa rin ang pag-shutdown sa barangay.

"Ang assessment namin sa 24-hour lockdown ng parola is successful ito," ani Gallora.

Kahit natapos na ang 24 oras na shutdown pagdating ng alas-8 ng gabi, marami pa ring residente ang nanatili sa loob ng kanilang mga bahay.

"Nagkaroon ng malaking impact sa mga residente. 'Yong pagbantay natin sa mga gates para hindi sila makalabas and 'yong ating pag-double check sa loob ng compound kung talagang may lumalabas bang residente," aniya.

Patuloy ang mga ronda at checkpoint sa barangay habang naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon, na tatagal hanggang Abril 30.

Ipinatupad ang Luzon-wide lockdown para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.