Regularisasyon ng contractual workers ng DOH inihirit sa gitna ng COVID-19 crisis

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 03:20 PM


MAYNILA — Nanawagan ang grupong Alliance of Health Workers (AHW) sa Department of Health (DOH) na gawing regular na ang anila'y mga kontraktuwal na empleyado ng ahensiya lalo't may kinahaharap na krisis ang mundo dahil sa COVID-19 pandemic. 

"The COVID-19 pandemic has exacerbated the chronic understaffing of health workers which is a big factor in rendering poor quality health services," ayon sa grupo.

Ayon sa AHW, 857 ang contract of service (COS) health workers ng DOH ngayon.

Narito ang datos ng AHW tungkol sa anila'y bilang ng mga hindi regular na trabahador ng ahensiya: 

  • National Kidney and Transplant Institute – 242 COS
  • Philippine Heart Center – 342 COS at 25 "regular contractual"
  • Lung Center of the Philippines – 200 COS
  • Jose Reyes Memorial Medical Center – 280 COS
  • Tondo Medical Center – 112 COS
  • Research Institute for Tropical Medicine – 200 COS
  • Amang Rodriguez Memorial Medical Center – 12 in-house COS, 56 outsource janitorial, at 26 security guards 

Binatikos din ng AHW ang pahayag ng DOH na hinihikayat ang mga pribadong ospital na bawasan ang shift hours ng kanilang health workers samantalang hindi umano ito mapatupad ng ahensiya sa public hospitals. 

"What the DOH ordered to private hospitals is ironic compared to public hospitals’ current situation wherein public health workers are required to work 12 hours duty a day, for 7 to 8 days in half a month without overtime pay and additional compensation, due to overworked, health workers becomes exhausted and easily susceptible to coronavirus," ayon sa grupo. 

Bukod sa regularisasyon, nais din ng grupo na mabigyan ng karampatang hazard pay ang mga health frontliners.
 
Noong Miyerkoles, umabot na sa 5,453 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.