Pulis patay sa pamamaril ng kapwa pulis sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 05:52 PM


MAYNILA — Isang pulis ang namatay nitong Huwebes ng umaga matapos siyang barilin ng kapwa pulis sa kanilang barracks sa Taguig City. 

Kinilala ang suspek na si Police Cpl. Bryan Jorkis Quinagoran, 28, habang ang biktima naman ay si Police Exe. Mst. Sgt. Edwin San Joaquin, 47. 

Sa paunang imbestigasyon, nag-aalmusal ang biktima at may kausap nang bigla siyang paputukan ng baril ng suspek. 

Dalawang putok ang pinakawalan ni Quinagoran at nagawa pang makatakbo ni San Joaquin para manghingi ng tulong pero nahabol ito ng suspek at doon ulit binaril. 

Isinugod ang biktima sa Parañaque Doctors Hospital pero idineklara itong dead on arrival. 

Samantala, agad naman naaresto ang suspek sa crime scene. 

Wala pang binibigay na motibo ang pulisya kung ano ang ugat ng krimen. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.