Puerto Princesa city government namakyaw ng gulay bilang tulong sa mga magsasaka

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:33 PM

Ang pinakyaw na gulay ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City ay kanilang ipinamimigay sa mga residente. Larawan mula kay Judith Bayron.

PUERTO PRINCESA CITY - Nagsimula na ang lokal na pamahalaan ng siyudad sa pamimili ng gulay mula sa mga field at backyard farmers sa lungsod na ito para matulungan ang mga magsasaka na kumita pa rin sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang lokal na pamahalaan na rin ang kumukuha ng mga produkto sa iba't ibang barangay tulad ng tanim na upo, kalabasa, talong, sitaw, patola, okra at ampalaya.

"'Yung price ng pagbili namin is farm gate price – kung magkano 'yung bilihan doon sa mga magsasaka, 'yun 'yung presyong binibili natin. Hindi natin sila binabarat," pahayag ni Judith Bayron ng tanggapan ng alkalde ng lungsod.

Ipinamimigay naman nila sa mga residente ang mga nabiling gulay. Sa isang araw ay pumipili sila ng isang partikular na lugar sa isang barangay na bibigyan ng gulay. Depende rin ito sa magiging supply ng kanilang mabibiling gulay.

"Halimbawa, may bibigyan kaming barangay, i-ensure namin na 'yung buong barangay mabibigyan namin. Walang pipiliin – walang magandang gate o magandang bahay kasi 'yun ang in-order sa amin na 'pag nag-decide kayo na 'yang area na 'yan, siguraduhin ninyong 'yung area na 'yan lahat mabibigyan," dagdag pa ni Bayron.

Habang may COVID-19 pandemic, sisikapin umano ng lokal na pamahalaan na masuplayan ang lahat ng barangay hangga't may mabibili pang gulay mula sa mga magsasaka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.