Panawagan ng DILG official: Makiisa sa huling 2 linggo ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 02:36 PM | Updated as of Apr 17 2020 12:31 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nagpaalala ang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nananatili sa lockdown ang Metro Manila kaya hindi dapat pagala-gala ang mga tao para maiwasang magkahawahan ng coronavirus disease (COVID-19).

Naghigpit kamakailan sa checkpoints sa EDSA ang mga tauhan ng Highway Patrol Group, Metropolitan Manila Development Authority, at Land Transportation Office matapos dumami ang mga bumibiyaheng motorista noong mga nagdaang araw.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, tila nakalimutan na ng mga tao na may umiiral pa ring enhanced community quarantine, na kritikal lalo at huling 2 linggo na lang.

Nanawagan si Malaya sa publiko na makiisa sa enhanced community quarantine.

Noong Abril 12 dapat natapos ang lockdown sa buong Luzon, na ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, pero pinalawig ito hanggang Abril 30.

Ayon kay Malaya, nauunawaan niya ang paghihigpit ng mga lokal na opisyal, lalo na kung iyon ang pangangailangan sa mga komunidad.

Inihalimbawa ni Malaya ang pag-shutdown nang isang araw sa Barangay 20 sa Maynila, na ipinatupad ni Mayor Isko Moreno, matapos matuklasang may nagpa-boxing at pa-bingo sa lugar.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isa ang pagdeklara sa total lockdown sa mga opsiyon na tinitingnan umano ngayon ng gobyerno kung hindi pa mapababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinokonsidera rin ang total lockdown kapag hindi mapigilan ang dami ng mga sumusuway sa mga patakaran pinaiiral ng gobyerno sa ilalim ng enhanced community quarantine.

"Hindi po fake news na kinokonsidera ang total lockdown lalong-lalo na kung magpapatuloy ang mga pasaway sa ating kalsada," ani Roque.

Nilinaw naman ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na wala pang desisyon ang gobyerno kung ano ang magiging scenario kapag natapos ang lockdown sa Abril 30 dahil patuloy pa ang pag-aaral dito.

Sa Lunes, magkakaroon umano ng presentation ang technical working group tungkol sa pagtatapos ng lockdown at saka pag-uusapan kung ano ang magiging rekomendasyon sa pangulo base sa mga datos.

Ayon kay IATF Spokesperson Carlo Nograles, isa ang pag-flatten the curve o pagpapababa sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa 5 basehan para sa desisyon.

Kabilang din umano sa mga tinitingnan ang kapasidad ng health care system, at mga socio-economic at security factors.

—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.